Wednesday, April 15, 2009

Nawawala

Lagas na pahinasa mga librong
pinapapak ng alikabok
ang mga gunita
nilang naglaho sa panahon ng Sigwa.

Putok na nguso. Basag na bungo.
Putol na mga kamay at paa. Mga paso ng sigarilyo.
Gasgas sa likod. Saksak sa tagiliran.
Semilya sa ari.

Walang saplot. Basang tisert.
Duguang pantalon.

Nakasusuklam na pambungad. Malagim na bati,

ng mga pinalad. Natagpuan.

Mapalad. Sila’y mapalad.

Ngunit, sa mga nilamon, naglaho sa dilim?
Tuluyang inagnas ng alaala?

Walang bakas. Ni isang batong nakasaksi.
Ni ibong makahuhuni.
O punong nakikidalamhati.

Wala?

Wala! Wala! Wala!

A, kayo, kayong maysala.
Demonyong Kaharian. Ginintuang Trono.
Bakit sadyang nakangingiti pa?

Humahalakhak ang mga tarantado.

A, kayo, kayo’y duwag!
Umaasa sa dilim. Madilim na kinabukasan?
Hindi! Hindi kailanman!

Huwag pakasisiguro,
sa mga lagas na pahina. Nilagas kusa.
Magpapatuloy. Ipagpapatuloy,
ang Dakilang Epiko ng Masa.

No comments:

Post a Comment